Walang katanggap-tanggap na dahilan mula sa mga ahensya ng gobyernong may kinalaman sa transportasyon sa hindi tamang paghahanda ngayong Semana Santa.
Ito ang binigyang-diin ni Senador Grace Poe kasabay ng paggiit na dapat nakalatag ang lahat ng sistema kaugnay sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero ngayong nagsimula na ang Holy Week holidays.
Ang pagdagsa anya ng mga pasahero sa mga bus terminals, seaports at airports sa ganitong panahon ay taun-taong nagaganap.
Kaya naman wala anyang sapat na dahilan ang mga transportation bodies at private providers para hindi paghandaan ang okasyong ito.
Idinagdag ng senador na dapat ay nalulunasan na ang isyu ng overbooking, mahabang pila para sa tickets, standing room only scenarios sa mga bus, mga nawawalang bagahe at mga kaparehong problema.
Paalala pa ng senador na ang anumang paglabag sa karapatan ng mga pasahero ay dapat tugunan ng mga nararapat na batas at regulasyon ng gobyerno.
Sinabi ng senador na ang semana santa ay hindi lamang panahon para sa reconnection sa Diyos bagkus okasyon din ito upang makasama ang mga mahal sa buhay. —sa ulat ni Dang Garcia