Mahalagang kilatising mabuti ng Commission on Elections ang background at track record ng mga kasama sa second bidding para sa Full Automation System with Transparency Audit/Count sa 2025 midterm elections.
Ito ang iginiit ni Senate Committee on Electoral Reforms chairperson Imee Marcos kasabay ng pagsasabing ilang panahon na lamang ang nalalabi bago ang halalan kaya’t dapat matiyak ng poll body na mayroon ng makukuhang rerentahan para sa automated counted system
Iginiit ni Marcos na karapatan ng publiko na matiyak ang malinis at tapat na halalan at mandato naman ng poll body na tiyaking malinis at walang bahid dungis ang records ng mga potential suppliers ng counting system.
Ipinaalala ni Marcos na sa first bidding, iisa lang ang naging bidder, ito ay ang Miru Systems mula Korea pero may mga alegasyon na sangkot ito sa vote manipulations sa Africa at vulnerable sa hacking ang kanilang sistema.
Wala namang ideya ang senadora kung sino ang 5 na bumili ng bid document para sa 2nd bidding subalit tiwala siyang magiging maayos at maingat ang Comelec sa pagpili ng mananalong bidder. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News