Hiniling ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III sa Toll Regulatory Board (TRB) at sa North Luzon Express NLEX) Corporation na ipagpaliban ang provisional increase sa toll rates sa gitna ng lumalalang traffic condition sa expressway at epekto ng inflation na kinakaharap ng mga Pilipino.
Una nang inaprubahan ng TRB ang provisional toll increase sa NLEX open system na dagdag P7 sa Class 1 vehicles, P17 sa Class 2 at P19 sa Class 3 epektibo sa Hunyo 15.
Saklaw nito ang Balintawak sa Caloocan, Mindanao Avenue at Marilao sa Bulacan.
Sinabi ni Pimentel na ang anumang dagdag singil sa ngayon ay maituturing na unjustifiable at unfair sa mga motorista na araw-araw ay nakararanas ng matinding trapiko sa expressway partikular mula Balintawak hanggang Meycauayan.
Iginiit ng senador na bago humingi ng dagdag na bayad, dapat ayusin muna ang daloy ng trapiko sa NLEX.
Batay sa datos ng NLEX, nasa 280,000 na sasakyan ang dumaraan sa NLEX araw-araw.
Iginiit ni Pimentel sa TRB na bigyang prayoridad ang interes ng publiko at tiyaking ang toll rates ay patas at rasonable. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News