dzme1530.ph

Tolentino, naniniwalang may naganap na wiretapping sa pagitan ng AFP Commander at Chinese Diplomat

Kumbinsido si Senate Majority Floor Leader Francis ‘Tol’ Tolentino na may naganap na wiretapping sa pagitan ng isang AFP Commander at Chinese Diplomat na direktang paglabag sa batas ng Anti-Wiretapping Act ng Pilipinas.

Ito ay makaraang kumpirmahin ni dating Western Mindanao Command Chief, Vice Admiral Alberto Carlos na tinawagan siya ni Chinese defense attache Senior Colonel Li Jianzhong nitong Enero 2024 subalit walang itong abiso na nirerecord ng Chinese Military ang kanilang pag-uusap sa telepono.

Sinabi ni Tolentino na naniniwala siya sa testimonya ni Carlos at ang pagkumpirma nito na hindi niya pinayagan ang pagre-record ng pag uusap ay isang malinaw na paglabag sa local at international law.

Kung pagbabatayan aniya ang testimonya ni Carlos ay nagkaroon talaga ng wiretapping subalit kailangan muna ring ma-authenticate ng mga awtoridad ang audio recording.

Nakatakda namang magsagawa ng Executive Session ang Senado kasama ang mga resource person sa isyu para mas maliwanagan ang pangyayari.

Sinabi ni Tolentino na maari nang kumilos ang mga ahensya ng gobyerno, partikular ang Department of Foreign Affairs (DFA) at simulan na ang proseso ng pagdedeklara sa nasabing Chinese Diplomat bilang ‘persona non grata’ na maaring magresulta sa pagpapalayas sa bansa.

Maari namang amyendahan ang batas kaugnay sa espionage at magpataw ng mas mabigat na parusa lalo na kung may kasabwat na sibilyan ang isang opisyal.

About The Author