Nasa kamay na ng mga mamamahala sa Maharlika Investment Fund Bill ang ikatatagumpay nito sa sandaling malagdaan na bilang batas ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.
Ito ang binigyang-diin ni Senate Committee on Ways and Means Chairman Sherwin Gatchalian kasabay ng pagsasantabi sa iba’t iba pang katanungan ng iba’t ibang grupo sa panukala na naghihintay na lamang ng lagda ng Pangulo.
Sinabi ni Gatchalian na hindi naman mawawala ang iba’t ibang tanong sa panukala dahil ang bawat isa ay may kanya-kanyang opinyon.
Ang mahalaga anya ay nailagay ng mga senador ang lahat ng safeguards at mga kinakaulang proteksyon upang hindi maabuso ang pondo.
Nilinaw din ng senador na bagama’t appointee ng Malakanyang ang itatalagang mga opisyal ng Maharlika Investment Corporation ay kailangang matiyak na daraan sila sa masusing pagsusuri at dapat sumunod sa mga kwalipikasyong nakasaad sa panukala. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News