Umarangkada na ngayong araw ang toll rate increase sa Manila Cavite Toll Expressway o CAVITEX.
P35.00 na ang dating P33.00 na singil sa mga kotse, van at SUV na nasa Class 1 category na babiyahe mula R1 section o Seaside hanggang Zapote.
P70.00 naman mula P67.00 sa Class 2 at P104.00 na ang bayad para sa Class 3 o mga malalaking sasakyan.
Ang mga motorista namang dumadaan sa R1 Extension Segment 4 o Zapote patungong Kawit ay sisingilin ng P73.00 para sa Class 1, P146.00 para sa Class 2, at P219.00 para sa Class 3.
Samantala, ayon sa Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC), dahil sa patuloy na pagsirit ng presyo ng petrolyo, malilibre muna ang PUV drivers at operators sa dagdag-singil sa toll.
Ito’y para anila makatulong sa mga operator at driver ng jeepney, UV Express at bus na hindi muna sisingilin ng bagong toll rate sa loob ng tatlong buwan.