Pinaalalahanan ni House Speaker Martin Romualdez si Negros Oriental 3rd district rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr. na huwag gamitin ang mga pribilehiyo at immunity na mayroon ito para umiwas sa hustisya.
Ayon kay Romualdez, ang rights, privileges at immunities na ibinibigay sa isang kongresista ay para maisakatuparan nito ang kaniyang legislative functions, at matiyak na maayos itong makapagsisilbi sa kaniyang nasasakupan, bagay na hindi dapat gamitin para umiwas sa hustisya.
Sa ngayon, nananatiling suspendido sa serbisyo si Teves at nangangahulugan lang aniya na wala itong kahit na anong pribilehiyo sa kongreso.
Matatandaang Marso a-15 ng kasalukuyang taon nang patawan ng 60-days suspension ng kamara si Cong. Arnie Teves, bilang parusa sa patuloy nitong pagmamatigas na umuwi ng bansa.