Dalawa pang Senador ang nagpahayag ng suporta sa isinusulong na resolution nina Senate President Juan Miguel Zubiri at Senators Loren Legarda at Sonny Angara na naglalayong amyendahan ang economic provisions ng Saligang Batas.
Gayunman, sinabi ni Senator Francis Tolentino na hindi lamang dapat nakatutok sa Advertising, Education at Public Utilities ang bubuksan sa mga dayuhan at sa halip ay dapat isama ang exploration ng mga minerals sa West Philippine Sea.
Binigyang-diin ni Tolentino na walang kumpanya sa Pilipinas ang may kakayahang gastusan ang exploration sa West Philippine Sea dahil sa malaking kapital ang kailangan.
Sa panig naman ni Senador Sherwin Gatchalian, iginiit na noon pa man ay suportado na niya ang pagbubukas ng mga talakayan tungkol sa pag-amyenda sa ilang mga probisyon ng Konstitusyon upang ganap na maisakatuparan ang potensyal ng ekonomiya.
Binigyang-diin ng senador na upang mapanatili ang paglago ng ekonomiya, kailangang amyendahan ang mga paghihigpit dahil napipigilan nito ang foreign direct investments, lalo na’t ang Pilipinas ay niraranggo bilang pangatlo sa pinakamahigpit sa mga alituntunin pagdating sa dayuhang pamumuhunan. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News