Umabot sa P200.41-B ang subsidiya na ipinagkaloob sa mga Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs) noong 2022, kung saan ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang top recipient.
Sa datos sa Bureau of Treasury, tumaas ng 8.5% ang budgetary support sa GOCCs noong nakaraang taon mula sa P184.767-B noong 2021.
Sa buwan lamang ng Disyembre, lumobo ng 419.9% o P32.07-B ang subsidies mula sa P6.169-B noong Nobyembre, at 50.2% naman mula sa P21.356-B sa kaparehong buwan noong 2021.
Nagbibigay ang pamahalaan ng subsidiya sa mga GOCC upang tulungan ang mga ito na mapunan ang mga gastos na hindi suportado ng kanilang revenues.
Noong nakaraang taon ay tumanggap ang PhilHealth ng P80.048-B na subsidies, o halos 40% ng total subsidies noong nakaraang taon.
Sumunod sa may pinakamalaking natanggap na subsidiya noong 2022 ay ang National Irrigation Administration (NIA), P40.662-B at National Housing Authority (NHA), P17.125-B.