Inalis na ang subject na mother tongue sa nirebisang K to 10 curriculum na inilunsad ng Dept. of Education kahapon, Aug. 10.
Ito ang inihayag ni DepEd Usec. at Spokesperson Michael Poa kasabay ng paglilinaw na ang asignatura lamang ang inalis at hindi ang mother tongue na ginagamit na lenggwahe sa pagtuturo, alinsunod sa K to 12 Law.
Una nang sinabi ni DepEd Usec. for Curriculum and Teaching Gina Gonong na nagdulot ng pagkalito sa mga guro ang nasabing subject, lalo na sa mga lugar sa Luzon.
Sa kasalukuyang curriculum, mayroong asignaturang Filipino at Mother Tongue, na kung saan ay maraming guro ang kumuwestyon sa pagkakaiba nito.
Iginiit ni Gonong na ang “confusion” na ito ang isa mga dahilan kung bakit tinanggal ng DepEd ang mother tongue bilang subject sa revised K-to-10 curriculum.
Bago pa man pormal na ilunsad ng kagawaran ang nasabing curriculum, nagpahayag na ng pagtutol ang Alliance Concerned Teachers (ACT) sa pag-alis ng naturang subject sa bagong curriculum, dahil ito anila ay asignatura na epektibong lenggwahe sa pagtuturo. —sa panulat ni Airiam Sancho