dzme1530.ph

Speaker Martin Romualdez may mensahe sa mga naninira sa institusyon

Nagbitiw ng matinding mensahe si House Speaker Martin Romualdez laban sa mga nais pabagsakin ang Kamara bilang institusyon.

Bwelta nito sa mga nagbabanta at nananakot sa liderato ng Kamara, hindi siya natatakot dahil ito’y “walang personalan, trabaho lang.”

Sa harap ng 227 legislators na present sa plenary nanindigan si Romualdez na tatayo siya laban sa sino mang mananakot para masunod lamang ang kanilang gusto o kapritso.

Hindi umano nila papayagan ang sinuman na hadlangan sila sa paggampan sa trabaho na iniatang sa kanila ng taumbayan.

Kasunod ng talumpati nito, isang resolusyon ang inaprubahan para i-convene ang Kamara bilang “Committee of the Whole.”

Binasa rin ang iba’t ibang resolusyon na lahat ay naghahayag ng suporta kay Romualdez.

Tinangkang kwestyunin ni independent Rep. Edcel Lagman ng Albay ang pag-convene bilang Committee of the Whole sa pagsasabing “Sino ba ang nagbabanta sa Kamara’ sa harap ng pagtapyas sa confidential at intelligence funds.

Sa puntong ito tumayo si Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales ng Pampanga, at pinangalanan si dating Pangulong Rodrigo Duterte na siyang naninira at nagbabanta sa imahe ng institusyon.

Kasunod ng pagtukoy ni Gonzales kay Duterte, inihayag na rin nito ang pormal na pagbibitiw sa partido PDP-LABAN, ang partido na sumuporta kay Digong noong 2016 presidential elections. —ulat mula kay Ed Sarto, DZME News

About The Author