dzme1530.ph

SP Zubiri, tiwala sa magiging pamumuno ng bagong talagang PNP chief

Buo ang tiwala ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa magiging liderato ni Police Major Gen. Benjamin Acorda bilang pinakamataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP).

Ayon kay Zubiri, personal niyang nasaksihan ang leadership ni Acorda nang pamunuan nito ang Police Regional Office 10 o ang Northern Mindanao.

Sinabi ng lider ng Senado na noong nakalipas na taon, sa pamumuno ni Acorda sa Northern Mindanao, bumaba ng 9.40%  ang crime rate mula January hanggang June.

Idinagdag ng senador na mas naging ligtas at mapayapa ang kanilang lugar nang magsilbi si Acorda bilang regional director ng PRO10 bukod pa sa naibalik ng mamamayan ang kanilang tiwala sa law enforcement agencies.

Dahil dito, walang duda si Zubiri na katulad ng kanyang ginawa sa Region 10, mas magiging makabuluhan ang pamumuno ni Acorda sa mga pulis sa buong bansa. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author