Hindi pa kailangang isailalim sa Comelec control ang Bayan ng Socorro sa Surigao del Norte para sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections, sa kabila ng alegasyon na kulto ang isang organisasyon sa lugar.
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na sa isinagawang en banc session, ay binigyan siya ng magandang assessment ng Comelec field personnel, maging ng mga opisyal ng AFP, PNP, at Philippine Coast Guard.
Noong Martes ay inihayag ng Poll Chief na nananatili ang Caraga region sa ilalim ng “Green” category para sa halalan sa Oct. 30, sa kabila ng mga isyu na kinasasangkutan ng Socorro Bayanihan Services Inc.
Ang mga lugar na nasa “green” category ay walang naiulat na security concern o relatively peaceful at orderly.
Gayunman, inihayag ni Garcia na babantayan nila ang Senate Hearing hinggil sa sinasabing kulto, na magsisimula ngayong Huwebes. —sa panulat ni Lea Soriano