Nagdududa ang ilang senatoriables ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas na isa sa posibleng dahilan ng pagtaas ng unemployment rate ang sobra-sobrang ayuda program ng gobyerno.
Sa press conference dito sa Pili, Camarines Sur, sinabi ni dating Sen. Panfilo Lacson, dapat rebisahin ang mga ipinatutuapd na ayuda programs ng gobyerno at mas mabuti kung palalakasin na lamang ang 4Ps program.
Kinatigan ito ni dating Senate President Tito Sotto kasabay ng pahayag na sa kanilang obserbasyon, ang mga miyembro ng generation z (Gen Z) ay allergic ngayon sa salitang ayuda.
Ipinaliwanag ni Sotto na naging iba na ang kahulugan ng salitang ayuda dahil hindi maganda ang naging implementasyon ng ilang programa.
Iginiit naman ni dating DILG Sec. Benhur Abalos na dapat iharmonize ang employment programs kasama na ang Public Employment Service Office (PESO) ng bawat LGU na nagbibigay ng oportunidad sa kahit sa mga estudyante na nais ng part-time jobs.
Dapat din aniyang magkaroon na ng limitasyon ang mga ayuda programs at turuan ang mamamayan na magsikap para sa kanilang kinabukasan.
Binigyang-diin naman ni ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo na dapat palawakin ang Sustainable Livelihood Program upang matulungang maiangat ang buhay ng bawat isa.
Sinabi ni Tulfo na dapat palawakin ang saklaw ng programa na sa ngayon ay limitado sa mga 5th at 6th class municipalities.