Nakahanap ng kakampi ang Sonshine Media Network International (SMNI) sa ipinataw na 30 araw na suspensyon sa kanila ng National Telecommunications Commission.
Sa katauhan ito ni Senador Imee Marcos na nagtanong kung sino ang natatakot sa SMNI.
Sa pahayag ni Marcos, iginiit na ang SMNI ang bukod-tanging nagtataguyod ng pamamahayag na may tapang na magtanong, mag-usisa at mag-isip tungkol sa mga kaganapan ngayon sa administrasyon.
Kaya tanong ng senadora bakit ipasasara ang mga sumasalungat o kumukontra sa pamahalaan.
Kinuwestyon din ng senador kung bakit walang abiso at palugit na ibinigay sa naturang TV network bago ang suspensyon
Bakit din anya walang ibinigay na pagkakataon sa SMNI na mangatwiran at magpaliwanag?
Kaya puna ng senador na hindi naipatupad ng NTC ang right to due process bukod pa sa freedom of the press sa inilabas na suspension order.
Ang ganitong kautusan anya ay magkakaroon ng chilling effect sa freedom of the press.
Sa suspension order ng NTC, binigyan ng show cause order SMNI dahil sa paglabag nito sa kanilang legislative franchise
Una rito , ilang program sa nabanggit na tv network ang sinuspinde naman ng Movie Television Review and Classification Board. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News