dzme1530.ph

Signature campaign para sa People’s Initiative, pinabubusisi sa Senado

Nais ni Senador Imee Marcos na magsagawa ang Senado ng investigation in aid of legislation kaugnay sa sinasabing bayaran kapalit ng lagda para sa People’s Initiative sa isinusulong na Charter change.

Sa kanyang Senate Resolution 902, binanggit ni Marcos ang mga ulat kaugnay sa pagtanggap ng coordinators ng ilang partylist group ng hindi matukoy na halaga kapalit ng pagtiitiyak na makakalap ng kinakailangang lagda para sa People’s Initiative.

Sa pahayag ni Albay 1st District Rep. Edcel Lagman, may impormasyon na nagsagawa ng general meeting ang league of Mayors ng lalawigan sa isang hotel na pag-aari ni Ako Bicol Rep. Zaldy Co at pinag-usapan ang pagbibigay ng P100 sa bawat botanteng lalagda sa People’s Initiative.

Binanggit din sa resolution ang ulat na may alok na P20 million sa bawat Congressional District na makakapagdeliver ng kinakailangang bilang ng lagda para sa pag-amyenda sa konstitusyon.

Sinabi ni Marcos na dapat nang matigil ang corrupt activities na ito at tiyakin na kung magkakaroon ng people’s initiative para sa Chacha ay dapat na mayroong full consent at free will ang taumbayan. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author