Nananatili ang target ng Senado na maaprubahan sa 3rd and final reading ang Maharlika Investment Fund Bill bago mag-adjourn ang Kongreso sa susunod na linggo.
Sa Lunes, inaasahang makikIpag-debate sa sponsor ng panukala na si Sen. Mark Villar sina Senate Minority Leader Koko Pimentel at Sen. Risa Hontiveros bago naman lumarga ang pag-amyenda sa panukala.
Una rito, natanggap na ng Senado ang sulat mula kay Pang. Ferdinand Marcos Jr. na sinesertipikag urgent ang Senate Bill 2020 o ang Maharlika Investment Fund Bill.
Sa sesyon kahapon ay binasa ni Senate Secretary Renato Bantug ang mensahe ng Pangulo na may petsang May 22,2023 na humihiling ng immediate enactment sa panukala.
Ang sulat ay agad namang inirefer sa Senate committee on rules.
Matatandaang noong Disyembre ay nag-isyu rin ng kaparehong certification si Pang. Marcos para sa Kamara na nagbigay daan upang agad na maaprubahan ang panukala sa ikatlo at huling pagbasa. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News