dzme1530.ph

Senado, nanindigang walang makapagpapabago ng deklarasyon na sa Pilipinas ang WPS

Nanindigan si Senate President Juan Miguel Migz Zubiri na walang anumang pag-atake ng China Coast Guard ang makapagpapabago ng katotohanan na sa atin ang West Philippine Sea batay sa deklarasyon ng Permanent Court of Arbitration.

Binigyang-diin ni Zubiri na sa pinakabagong harassment na pambobomba ng water cannon sa resupply mission sa BRP Sierra Madre ay muling pinatunayan ng China na sila ay bully na ginagamit ang kanilang laki at lakas para iligal na pumasok sa ating exclusive economic zone.

Iginiit naman ni Senador JV Ejercito na ang pinakahuling insidente ay pagpapakita ng kawalan ng sinseridad ng China sa peaceful talks kasabay ng paalala na walang karapatan ang Tsina na mangharass, harangan at magpatupad ng mga mapanganib na hakbang sa ating maritime zones.

Tahasan nitong iginiit sa China na tigilan ang mga unlawful activities, lisanin ang bisinidad ng Ayungin Shoal at tigilan ang panghihimasok sa ating teritoryo.

Kasabay naman ng pagkondena ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda sa pinakahuling harassment, iginiit ng senador na dapat ipagpatuloy ng gobyerno ang mga hakbangin upang paulit ulit na ipaalala ang 2016 Arbitral Ruling na nagdedeklara na sa atin ang West Philippine Sea.

Binigyang-diin ni Legarda na dahil sa patuloy nating paggigiit ng ating karapatan sa West Philippine Sea ay lumalakas na rin ang aksyon ng iba pang mga bansa laban sa China. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author