Sinimulan na ng Senado ang pagkilos para sa isinusulong na pagbabago sa economic provisions ng konstitusyon.
Sa sesyon kahapon, binuo na ng mga senador ang subcommittee sa ilalim ng Senate Committee on Constitutional Amendment at ito ay pamumunuan ni Sen. Sonny Angara.
Kaugnay nito, agad itinakda ni Angara sa Pebero a-singko, araw ng Lunes ang pagtalakay sa Resolution of Both Houses no. 6 o ang economic Cha-cha bill.
Nakasaad sa resolusyon na ang tanging maaring amyendahan ay ang Section 11 ng Article 12 o ang National Patrimony and Economy; Paragraph 2, Section 4 ng Article 14 o ang Education, Science and Technology, Arts, Culture, and Sports; at ang Paragraph 2, Section 11 ng Article 16 o ang General Provisions.
Una rito sinabi ni Senate President Juan Miguel Migz Zubiri na mas makabubuting itigil muna ang mga usapin kaugnay sa People’s Initiative at muli nang magpokus ang dalawang kapulungan sa kanilang mga trabaho.
Bukod sa RBH 6, tatalakayin din ng senado ang mga nakabinbin nilang mga panukala na may kinalaman sa pagpapaunlad ng ekonomiya. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News