Sisikaping tapusin at aprubahan ng Senado ngayong huling linggo ng sesyon ang ilang priority bills ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) at mga sertipikadong urgent bills ng Malacañang.
Kabilang na rito ang Maharlika Investment Fund bill, Trabaho Para sa Bayan bill, at ang Regional Specialty Centers bill.
Bukod dito, nakatakda na ring aprubahan ng senado ang panukalang palawigin ang deadline ng Estate Tax Amnesty sa June 2025.
Ayon kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, posibleng mag-extend sila ng sesyon hanggang sa Huwebes bago ang pagtatapos ng first regular session ng 19th Congress ngayong linggo.
Bago ang sesyon mamaya ay magpupulong muna silang mga senador para pag-usapan ito.
Para naman anya talakayin ang mga reservation pa ng mga senador sa Maharlika Investment Fund bill ay posibleng pahabain nila ang kanilang sesyon ngayong araw na ito upang matapos ang mga interpelasyon. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News