Tumangging kumpirmahin ni Sen. Francis Tolentino ang impormasyon ng pagbibitiw niya bilang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee.
Sinabi ni Tolentino na sa kasalukuyan ay nasa Estados Unidos siya para sa iba’t ibang mga pakikipagpulong.
Maliban dito ay hindi na nagbigay ng pahayag ang mambabatas kaugnay sa impormasyon.
Sa panig ni Senate President Juan Miguel Zubiri, sinabing wala pa siyang natatanggap na resignation letter mula kay Tolentino.
Ilang insider naman ang nagkumpirma na binakante na ng mga staff ni Tolentino ang kanilang espasyo sa Blue Ribbon Oversight Office Management.
Bago tinanggap ni Tolentino ang pagiging chairman ng Blue Ribbon Committee, sinabi nito na pamumunuan niya ito sa loob lamang ng isa’t kalahating taon dahil maghahanda siya sa kanyang reelection.
Batay sa proseso, kinakailangang talakayin sa plenaryo ng Senado ang pagbibitiw ng isang committee chairman upang ito ay maideklarang bakante saka naman maghahalal ng bagong chaiperson. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News