Ipinaalala ni Sen. Francis Tolentino na sakop ng Mutual Defense Treaty (MDT) ng Pilipinas at Estados Unidos ang pagtulong ng US sa Philippine Navy na maghatid ng mga supplies sa West Philippine Sea.
Kasunod ito ng pahayag ni US Pacific fleet commander Admiral Samuel Paparo na handang tumulong ang US sa Philippine Navy sa paghahatid nito ng pagkain at iba pang supplies sa West Philippine Sea, partikular ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ayon sa senador, vice chairman ng Senate Committee on Foreign Relations, ang hakbang ay bahagi ng layunin ng MDT na palakasin ang kapayapaan.
Sa ilalim anya ng 1988 Convention for the Suppression of Unlawful Acts against Maritime Navigation, na niratipikahan ng US senate noong 1995 at ng Philippine senate noong 2003, nakasaad na anumang akto ng karahasan laban sa isang tao na nasa isang sasakyang pandagat ay labag sa international law.
Maaari aniyang tingnan ang naging pahayag ni Admiral Paparo sa konteksto ng freedom of navigation. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News