dzme1530.ph

Sen. Robin Padilla, nag-sorry sa mga nasaktan sa pagsusuklay nya ng bigote sa Senate Hearing

Humingi ng tawad si Sen. Robin Padilla sa mga kritiko niya at sa mga nasaktan sa tinagurian niyang “Suklayin Mo, Baby” video o ang footage na nakitang nagsusuklay siya ng bigote sa gitna ng isang pagdinig ng Senado.

Ipinaliwanag ni Padilla na hindi naman ito pagpakita ng kanyang pagkainip bagkus ay nais lamang niyang tanggalin ang kati mula sa kanyang bigote.

Wala rin anya siyang nakikitang masama sa pagpapatubo niya ng bigote dahil may iba rin namang mambabatas ang mayroon nito.

Ipinaliwanag din ng senador na hindi pa niya maaaring tanggalin ang kanyang bigote dahil paghahanda ito sa kanyang ginagawang pelikula na buhay ni Marcelo H. Del Pilar o si Plaridel.

Idinagdag ng mambabatas na ilang taon nang nabinbin ang paggawa ng pelikula kaya’t nakakaawa naman anya si Plaridel kung hindi ito matutuloy ngayon.

Umani ng mga puna mula sa citizen ang video footage ni Padilla na nagsusuklay ng kanyang bigote habang nagtatanong si Sen. Raffy Tulfo sa mga resource person sa Senado. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author