Walang tutol si Senate Committee on Constitutional Amendments Chairman Robinhood Padilla na hawakan ni Senador Sonny Angara ang pagtalakay sa inihaing resolusyon para sa pagbabago sa economic provision sa konstitusyon.
Sa pagbabalik sesyon kagabi ng mga senador matapos ang kanilang halos tatlong oras na all senators caucus, inirefer na ang Resolution of Both Houses No. 6 na iniakda nina Senate President Juan Miguel Zubiri at Senators Loren Legarda at Sonny Angara sa kumite ni Padilla.
Bukod sa naturang resolusyon, inirefer din sa kumite ang Resolution of Both Houses No. 5 na iniakda naman ni Padilla para sa pag-amyenda rin sa ilang probisyon ng konstitusyon.
Ipinaliwanag ni Padilla na mas makabubuting bumuo ng subcommittee sa ilalim ng kanyang kumite para talakayin ang economic chacha upang maiwasan ang pagiging biased dahil siya ay pro political chacha.
Bukod dito, iginiit ni Padilla na maiiwasan na ring maulit ang pagdinig na kanya nang unang isinagawa.
Aminado rin ang senador na kailangan ng expertise ng isang abogado sa pagtalakay sa panukala.—ulat mula kay Dang Garcia, DZME News