dzme1530.ph

Sen. Marcos, binanatan ang mga nasa likod ng umano’y suhulan para sa People’s Initiative

Walang gamot sa kakapalan ng mukha mo.

Ito ang naging pambungad na banat ni Sen. Imee Marcos sa mga taong nagsasabing walang pakialam ang Senado sa isinusulong na People’s Initiative para sa charter change.

Bagama’t hindi tinukoy kung sino ang kanyang pinatutungkulan, paulit-ulit namang ipinakita ni Marcos ang video footage ni House Speaker Martin Romualdez na nagsasabing tututukan na lamang ng Senado ang trabaho nila at wala silang pakialam sa PI.

Sa pagsisimula ng pagdinig ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation, tinukoy ni Marcos ang pantatanga sa kapwa, panlulustay ng salapi at pagsisinungaling ng matatakaw na pulitiko bilang mga sakit na papatay sa demokrasya.

Iginiit ni Marcos na bagama’t nagdesisyon na ang Commission on Elections na suspindihin na ang proseso kaugnay sa PI, ay hindi pa rin anya dapat tumigil ang lahat hangga’t hindi ito tuluyang natutuldukan.

Inihalintulad pa ng senador sa isang sakit ang PI na maaari pa ring bumalik kung ititigil ang gamot sa sandaling mawala na ang sintomas o magsisilbi anyang multo na babangon hangga’t hindi tuluyang nahihimlay.

Tanong pa ni Marcos sa Comelec kung anong mga teknikalidad ang hinahanap nila kaugnay sa PI at ano ang mga gagawin kung may mga indibidwal na aatras na sa kanilang pirma.

Samantala, bukod sa mga constitutionalist at mga opisyal ng Comelec, DSWD, DOH, DILG, DOJ at DOLE, present din sa pagdinig sina Cong. Rodante Marcoleta at si dating Cong. Alfredon Garbin. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author