Tiyak si Sen. Francis ‘Chiz’ Escudero na papaboran ng lahat ng mga mambabatas ang panukala na dagdagan ang ayudang ibinigay sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Gayunman, ang malaking katanungan anya na dapat sagutin at resolbahin ay kung may mapagkukunan ng pondong ilalaan sa dagdag na ayuda.
Ipinaalala ng mambabatas na sa ngayon ay umaabot sa P13.9-T ang utang ng Pilipinas kasama na ang P1.1-T na inutang ng administrasyong Marcos.
Bukod dito, problemado rin anya ang gobyerno sa pension na ibabayad sa uniformed personnel at kakulangan ng pondo para sa mga proyekto at serbisyong kailangang ibigay sa mamamayan.
Ito anya ang mga dahilan kaya nga nililikha ang Maharlika Investment Fund at inamyendahan ang Public Private Partnerships Law upang magkaroon ng mga dagdag na pamumuhunan sa bansa.
Kaya naman, sinabi ni Escudero na magandang panukala ang dagdag ayuda subalit walang katiyakan kung ito ay mapopondohan. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News