Nanindigan si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na hindi siya papayag na magpaaresto alinsunod sa posibleng atas ng International Criminal Court kaugnay sa imbestigasyon sa war on drugs ng Duterte Administration.
Sinabi ni Dela Rosa na malinaw na wala nang hurisdiksyon sa Pilipinas ang ICC matapos magwithdraw ang dating administrasyon sa Rome Statute.
Kasabay nito, nagpahayag ng pagtataka si Dela Rosa sa naging pahayag ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla kaugnay sa kapangyarihan ng Interpol na ipatupad ang anumang kautusang ibibigay sa kanila.
Iginiit ni dela Rosa na hindi naman ang DOJ ang miyembro ng Interpol kung hindi ang Philippine National Police.
Batay aniya sa kanyang karanasan bilang dating hepe ng PNP ay iginagalang ng Interpol ang anumang paninindigan ng miyembro nito.
Maaari aniyang hindi sundin ng PNP kung maglabas man ang Interpol ng kautusan batay sa ICC order kung paninindigan din ng pulisya na wala nang huridiksyon sa bansa ang ICC. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News