Bago natapos ang pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous kaugnay sa 990 kilos ng shabu na nasabat sa lungsod ng Maynila, lumuhod si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa mga pulis upang makiusap na magsabi na sila ng katotohanan.
Sinabi ni dela Rosa na hindi power tripping ang kanilang ginagawa sa pagdinig at ang nais lamang nila ay lumabas ang katotohanan.
Kasabay nito ay lumuhod si dela Rosa, humarap sa mga pulis na resource persons sa pagdinig at nakiusap na magsabi na sila ng katotohanan alang-alang sa kanilang mga anak.
Sinabi pa ni dela Rosa na dapat magsalita na sila at maawa na sa bansa.
Si Sen. Bong Revilla naman ay idinaan sa pangongonsensya ang pakiusap sa mga pulis kasabay ng banta na hindi nila titigilan ang imbestigasyon hangga’t hindi lumalabas ang katotohanan.
Gayunman sa kabila ng mga diskarteng ito ng mga senador ay hindi pa rin napilit magsalita ang mga pulis at sinuspindi ang pagdinig sa paghahatid sa mga pulis na nacite for contempt sa detention cell ng Senado. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News