Pinaplano ng House Committee on Human Rights na padalahan ng sulat si Senate President Francis “Chiz” Escudero, para pakiusapan na padaluhin sa House hearing si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Ayon kay Manila Cong. Benny Abante, Jr. na chairman ng komite, napagdesisyunan ng panel na imbitahan si dela Rosa bilang former PNP Chief at main implementer ng war against illegal drugs ng nagdaang administrasyon na mas nakilala bilang Oplan Tokhang.
Una nito inamin ni dela Rosa na humingi siya ng guidance kay Senate President Escudero kung dapat siyang dumalo o hindi sa imbitasyon ni Abante.
Bukod kay Dela Rosa, iniimbitahan din na dumalo sa hearing si former President Rodrigo Roa Duterte, subalit nasa pagpapasya na rin umano ng dating Pangulo kung sisipot ito.
Paliwanag ni Abante, nais nilang marinig sa dating Pangulo kung alam lahat nito ang nang-yayari sa inilunsad nitong kampanya, dahil alisunod sa testimonya ng mga kaanak ng biktima, marami sa pinatay ay mistaken identity o nataon lang na nanduon sa ni-raid na lugar
Ngayon araw na ito itutuloy ang hearing ng Human Rights Committee at inimbitahang dumalo ang mga dati at kasalukuyang opisyal ng Pambansang Pulisya.