Tiniyak ng logistics company na Lalamove na hinigpitan pa nila ngayon ang security features ng kanilang mobile application.
Sa pagdinig sa Senado, binanggit ni Senate Committee on Public Services Chairman Raffy Tulfo ang ilang reklamo kaugnay sa naide-deliver na mga pekeng packages.
Sa impormasyon ng senador, may mga dumarating na bato ang laman ng mga order at hindi ang mga totoong produkto.
Kinumpirma rin ng Lalamove na mayroon pang mga report sa kanila na ibinebenta ang account ng riders na nagagamit sa scams.
Ayon kay Lalamove legal specialist Atty. Marx Bulosan, naglagay sila ng facial recognition technology sa kanilang application.
Sa pamamagitan anila nito ay maaaaring mapansin ng user na iba ang driver o iba ang gamit na sasakyan sa naka-rehistro sa app kaya’t maaari itong i-report agad sa kanila at otomatiko nilang iba-ban ang driver sa platform.
Sa ganitong paraan ay hindi na nila magagamit ang platform at maiiwasang maibenta ito o magkaroon ng shared account. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News