dzme1530.ph

Security Audit sa NGCP, irerekomenda ng Senate Committee on Energy

Isusulong ni Senate Committee on Energy chairman Raffy Tulfo na magsagawa ng security audit sa mga pasilidad ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Sinabi ni Tulfo na balak niyang mag-imbita ng mga tauhan mula sa intelligence community para magkaroon ng assessment sa operasyon ng NGCP kaugnay sa national security ng bansa.

Ito ay sa paggiit ng senador na nakaakalarma ang pagkakaroon ng 40% share ng State Grid Corporation of China sa NGCP.

Kumbinsido rin si Tulfo na may banta sa pambansang seguridad ng Pilipinas ang pagkakaroon ng malaking share ng China sa power grid operations ng bansa.

Katunayan anya mismong ang National Security Council (NSC), sa kanilang naging inspeksyon ang nagsabi nang may vulnerability issue sa operasyon ng NGCP.

Nangangahulugan aniya nito na may posibilidad na  isabotahe ng China ang suplay ng kuryente ng Pilipinas lalo’t may intelligence report pa siyang natanggap na kayang kontrolin ng China ang ating power grid kahit mula sa malayo. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author