Iginiit ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System na sapat ang supply ng tubig sa Metro Manila sa kabila ng tumaas na demand at bumabang water level sa mga dam sa gitna ng summer season.
Sinabi ni MWSS Manager for Field Operations Jose Escoto Jr., nananatili sa normal levels ang mga dam sa bansa, kasabay ng paliwanag na ang service interruptions na nararanasan sa ilang bahagi ng National Capital Region (NCR) ay bunsod ng maintenance repair works.
Aniya, mas mataas pa rin ang lebel ng mga dam ngayon kumpara noong nakaraang taon.
Gayunman, inihayag ni Escoto na humirit ang MWSS sa National Water Resources Board ng additional water supply mula sa Angat Dam sa gitna ng patuloy na pagbaba ng water level sa La Mesa Dam.