dzme1530.ph

Sapat na malinis at murang tubig, dapat tiyaking aabot sa lahat ng mamamayan

Dapat matiyak ng gobyerno ang malinis at murang tubig para sa lahat ng consumers.

Ito ang binigyang-diin ni Sen. Ramon Bong Revilla Jr. sa kanyang pagsuporta sa Executive Order 22 ni Pang. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. para sa pagbuo ng Water Resource Management Office.

Sinabi ni Revilla na napapanahon ang pagbuo ng tanggapan habang patuloy pa ang pagbusisi sa panukala sa Senado para sa paglikha ng Water Regulatory Commission sa gitna na rin ng nakaambang krisis sa tubig sa panahon ng tag-init.

Sa datos, sa 109-M Pilipino ay nasa 57-M ang sumusugal sa hindi tiyak kung malinis ang tubig ang kanilang ginagamit at nasa 11-M naman ang wala talagang mapagkukunan ng ligtas na inuming tubig sa pang-araw-araw nilang buhay.

Dahil dito, nais ni Revilla na magkaroon ng polisiya para sa water supply at isaayos ang organizational functions at responsibilities ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System, National Water Resources Board at Local Water Utilities Administration sa iisang komisyon.

Ang panukala ay naglalayong isailalim ang iba’t-ibang economic at administrative regulation ng mga water utilities sa iisang komisyon, upang maiwasan ang sapawan at maihatid ng maayos ang serbisyo. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author