Sinuspinde ng Maritime Industry Authority (MARINA) Region 7 ang Safety Certificate ng M/V Esperanza Star na nasunog sa Panglao, Bohol nitong weekend.
Sinabi ni Engr. Rochyl Villamor, MARINA-7 Maritime Technical Division Public Information Officer, na inatasan na nila ang kanilang safety engineers na magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa sunog at tinawagan na rin ang kanilang opisina sa Legazpi, Albay para mag-isyu ng Show-Cause Order sa may-ari ng barko.
Samantala, magsasagawa rin ang Philippine Coast Guard ng sarili nilang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng insidente.
Wala namang nasaktan sa 7- oras na sunog na tumupok sa passenger-cargo vessel at wala ring naiulat na Oil spill sa lugar. —sa panulat ni Lea Soriano