Inaasahan ng economic team na malaki ang ilolobo ng revenue ng gobyerno sa susunod na mga taon.
Ayon sa Dep’t of Finance (DOF), mula sa nakikitang P3.73-T na revenue ngayong taon, inaasahang lolobo ito sa P6.62-T sa 2028 o sa huling taon ng administrasyon ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr..
Sinabi ni Finance sec. Benjamin Diokno na inaasahang maipatutupad na simula sa 2024 ang proposed tax revenue measures tulad ng Passive Income and Financial Intermediary Taxation Act, pagpapataw ng VAT sa digital service providers, at excise tax sa single-use plastics at pre-mixed alcohol.
Samantala, tiniyak naman ng Development Budget Coordination Committee na gumagawa sila ng mga hakbang upang maibalik sa target range ang inflation rate.
Sa pagtatapos ng taon ay nakikitang maglalaro sa 5% hanggang 7% ang inflation rate sa bansa.
Sinabi pa ng National Economic Development Authority na sa pagbibigay ng mga dekalidad na trabaho at pagpapataas ng productivity ay magiging matatag ang ekonomiya. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News