dzme1530.ph

Resolution para sa pagbabago sa economic provisions ng Konstitusyon, gagawing prayoridad ng Senado

Bibigyang prayoridad ng Senado ang pagtalakay sa resolusyong inihain ni Senate President Juan Miguel Zubiri para sa pag-amyenda sa economic provisions ng Saligang Batas.

Sinabi ni Zubiri na nakumbinsi silang balangkasin ang resolusyon makaraang makausap ang ilang business group na nagpaliwanag kung bakit maraming foreign investor ang natatakot mamuhunan sa bansa.

Ipinaliwanag ng senate leader na bagama’t naamyendahan na nila ang Public Services Act para sa mas maluwag na pagpasok ng mga foreign investor sa Pilipinas ay nananatili namang nakapending sa Korte Suprema ang mga petisyon laban dito.

Ang takot anya ng mga investor ay kung bigla na lamang maglabas ng desisyon ang Korte Suprema at ideklarang unconstitutional ang batas na magiging dahilan upang mawalang saysay ang kanilang ilalagak na puhunan.

Kung maisasabatas anya ang kanilang pagbabago sa Saligang Batas ay mabibigyan na ng kapanatagan ang mga foreign investors at tuluyan nang papasok sa bansa ang P1.1-T investment pledges.

Kaya, sa target ng Senate President ay matapos ang debate sa panukala sa Senado sa loob ng dalawang buwan bago isumite sa Kamara at isabak sa plebesito. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author