dzme1530.ph

Resolusyong magbibigay pagkakataon sa mga resource persons na nako-contempt na kwestyunin ang kautusan, inihain sa Senado

Isang resolusyon ang inihain ni Sen. Francis Tolentino upang bigyan ng karapatan ang mga resource persons na makapagsalita, makapangatwiran at idipensa ang sarili laban sa pagpapataw ng contempt sa kanila.

Sa Senate resolution number 889 ni Tolentino, pinaaamyendahan ang rules of procedure sa pagsasagawa ng investigation in aid of legislation.

Alinsunod sa resolution, hindi maaaring patawan ng contempt ang sinuman nang hindi nadidinig ang kanyang katwiran sa alegasyon ng pagsisinungaling o pag-iwas sa pagsagot sa mga katanungan.

Sa sandali namang mapatawan na ng contempt, maaari siyang maghain ng motion for reconsideration sa loob ng limang araw.

Sa pamamagitan ng majority votes ng mga senador ay maaaring ipakansela ang contempt order.

Sa kasalukuyang sistema, maaaring agad na isyuhan ng contempt order at ipakulong ang isang resource person na sa tingin ng chairman ng kumite ay nagsisinungaling.

Sinabi ni Tolentino na ang kanyang panukala ay pagtugon sa ruling ng Korte Suprema sa kaso ng mga opisyal ng Pharmally na pinacontempt at ikinulong sa city jail nang hindi nabigyan ng pagkakataong magpaliwanag. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author