Naniniwala si Sen. Win Gatchalian na mas malakas na ang dahilan para sa gobyerno na paalisin sa bansa ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) kasunod ng natuklasang kriminal na aktibidad, tulad ng human trafficking at crypto-currency scam, ng mismong lisensiyadong kumpanya ng POGO.
Sinabi ni Gatchalian na malaking kahihiyan sa bansa ang pagkakasangkot ng mga lisensyadong POGO sa krimen.
Ito ay may kaugnayan sa pagkakasagip ng mahigit 1,000 dayuhan na naging biktima ng human trafficking sa CGC Technologies, Inc., isang lisensyadong POGO service provider.
Una nang nanawagan ang chairperson ng Senate Committee on Ways and Means para sa agarang pagsasara ng mga POGO sa bansa sa layuning mapanatili ang kapayapaan at kaayusan at makahikayat ng mas maraming mamumuhunan. Binanggit din ng senador ang ulat ng National Bureau of Investigation na karamihan sa mga krimen na iniuugnay sa mga POGO ay mga kaso ng human trafficking. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News