Kinumpirma ni Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Ronald Bato dela Rosa na nagkasundo na sila ni Senate Committee on Ways and Means Chairman Sherwin Gatchalian kaugnay sa kanilang rekomendasyon laban sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.
Sinabi ni dela Rosa na posibleng sa pagbabalik sesyon nila nitong Enero ay isasalang na para sa plenary debates ang kanilang mga committee report kaugnay sa POGO operations.
Ipinaliwanag ni dela Rosa na nagkasundo na sila ni Gatchalian sa rekomendasyon na ibaban na sa Pilipinas ang POGO subalit bibigyan sila ng grace period para sa paglayas sa bansa.
Subalit, ipauubaya anya nila sa Malacañang ang haba ang panahon ng grace period dahil sa kanyang rekomendasyon ay isa hanggang dalawang taon habang kay Gatchalian ay tatlong buwan lamang.
Isa rin naman sa rekomendasyon ni dela Rosa ang option no. 2 na kung hindi ibaban ang POGO sa bansa ay ilagay sila sa isang lugar kung saan nakabantay din ang mga awtoridad at iba’t ibang ahensya ng gobyerno na may kinalaman sa kanilang operasyon. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News