Nais ni Sen. Risa Hontiveros na isabay sa planong railway expansion ng pamahalaan ang pabahay at pagpapalawak ng market access ng mga magsasaka sa mga lalawigan.
Ito ay kasunod ng paglagda sa P50-B contract para sa North-South Commuter Railways (NSCR) na magdurugtong sa Blumentritt, Buendia, EDSA, Senado, Bicutan, at Sucat at ang ilang istasyon nito ay magiging interconnected sa Metro Manila Subway Station.
Naniniwala ang senador na hindi lang problema sa transportasyon ang maaaring matugunan ng railway projects.
Pagkakataon anya ito upang makapagpatayo ng mga abot-kayang pabahay at magkaroon ng tulay sa pagitan ng mga magsasaka at pamilihan para sa mabilis na paghahatid ng mga produktong agrikultural.
Sa ganitong paraan hindi na kakailanganing umasa ang mga magsasaka sa mga middle men na doble o sobra kung managa ng presyo.
Hinimok din ni Hontiveros ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na iprayoridad ang kanilang socialized and affordable housing programs sa halip na mga private property developers’ para sa mga lote na nakapaligid sa train stations.
Umapela rin ang mambabataa sa pamahalaan na huwag hayaang pakinabangan at pagawan ng mga pribadong property developers ang palibot ng mga train stations at ibigay ito para sa murang pabahay ng ahensya. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News