Hinatulan ng korte sa Quezon City ang mga miyembro ng Dominguez Carjacking Group nang Guilty Beyond Reasonable Doubt dahil sa pagpatay sa car dealer na si Venson Evangelista noong 2011.
Sinentensyahan ni Quezon City Regional Trial Court Branch 215 Judge Rafael Hipolito ang mga akusado ng Reclusion Perpetua o habambuhay na pagkabilanggo.
Napaluha ang tatay ni Venson na si Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) President Arsenio “Boy” Evangelista sa Promulgation, kanina.
Emosyonal na sinabi ni Mang Boy ang pangako niya noon kay Venson na handa siyang sumalo ng bala para mabigyan ng hustisya ang kanyang anak.
Samantala, inihayag naman ng abogado ng Dominguez group na maghahain sila ng Motion for Reconsideration.
January 14, 2011 nang matagpuan ang sunog na katawan ng nakababatang Evangelista malapit sa isang irigasyon sa Cabanatuan City, sa Nueva Ecija.
Ang magkapatid na Roger at Raymond Dominguez ang itinurong mga mastermind sa pagpatay bilang mga lider ng carjacking syndicate.
2021 naman nang matagpuang patay si Raymond sa kanyang selda sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.