dzme1530.ph

PUV modernization program, pinabubusisi sa Senado

Naghain si Senadora Imee Marcos ng resolusyon para sa isang senate inquiry kaugnay sa pagpapatupad ng public utility vehicle (PUV) modernization program.

Sa senate resolution 893 ng senadora, iginiit nitong kailangan ng tama at masusing assessment ng programa.

Ayon kay Marcos, hindi kakayanin ng bansa na magkaroon ng traportation crisis, lalo na’t bumabangon pa lang tayo mula sa epekto ng pandemya

Ipinunto ng mambabatas ang ilang kritisismo at pangamba ng iba’t ibang transport groups sa PUV modernization program.

Kabilang na rito ang hinaing ng ilang traditional jeepney driver na nahihirapang makasunod sa consolidation requirements gaya ng mga dokumento, membership fees sa mga kooperatiba, pondo para sa stocks sa korporasyon at iba pa.

Kailangan anyang bigyang pansin ang nakakaalarmang bilang ng mga PUV na hindi nakasunod sa consolidation para hindi maapektuhan ang mga komyuter at ang public transportation sa Pilipinas.

Ipinunto rin ni Marcos na dapat pang patuloy na magkaroon ng dayalogo ang pamahalaan at ang PUV stakeholders para makahanap ng isang win-win solution sa mga isyu sa programa. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

 

About The Author