Ipina-contempt ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs at nakakulong ngayon sa Senado ang isa sa mga pulis sa Negros Oriental na sinasabing hindi nag-ba-blotter sa mga sumbong ng pananakot sa ilang biktima umano ng karahasan.
Hindi nakumbinsi ni PSSgt. Renevic Rizaldo ang mga senador sa mga sagot nito kaugnay sa pagtanggi niyang i-record ang mga sumbong.
Ito ay nang ituro ni Wilfred Estiñoso si Rizaldo na pulis na tumangging ipa-blotter ang bantang natanggap ng kanyang anak na si Juwin Estiñoso bago ito napaslang noong November 2022.
Bago napaslang ay tumakbong konsehal ng Bayawan, Negros Oriental si Juwin Estiñoso.
Sa pahayag ng Wilfred, ibinahagi aniya sa kanya ni Juwin na sinabihan siya ni Rizaldo na guni-guni lang nito ang bantang kanyang natanggap.
Iginiit naman ni Rizaldo na hindi niya matandaang tinanggihan niyang ipa-blotter ang insidente.
Sa gitna nito pinaalalahanan ni Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa, na dating naging hepe ng PNP, ang mga pulis sa kanilang tungkulin sa mamamayan.
Si Rizaldo ay natuklasang naging police security ni suspended Congressman Arnie Teves. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News