Nahaharap sa reklamo ang isang pulis matapos nitong takutin at pagbantaan ang ilang mga tauhan ng Department of Public Service (DPS) ng lokal na pamahalaan ng Maynila.
Ang nasabing pulis ay kinilalang si Patrolman Jayvoi Farrales, 27-anyos, residente ng Almeda Street Extension sa Tondo, Manila at nakadestino sa Navotas Maritime Police.
Ayon kay Andre Garrata, 40-anyos, nagsasagawa sila ng paglilinis kasama ang 10 iba pa sa Tecson St. kanto ng Jose Abad Santos Avenue ng lumapit si Pat. Faralles na naka-short at sando saka nagpakilalang pulis sabay nagmura at nagtanong kung sinong bumastos sa kaniyang girlfriend.
Mariin naman itinanggi ng mga tauhan ng DPS ang alegasyon kaya’t dito lalong nagalit si Pat. Faralles at naglabas ng baril kung saan patuloy silang pinagmumura at pinagbantaan na babarilin kapag bumalik ang pulis at nakita sila sa lugar.
Agad na nagtungo sa MPD Station-7 ang mga tauhan ng DPS para ipa-blotter ang insidente kung saan sumulpot rin si Pat. Faralles pero umalis ito matapos kausapin ang pulis na naka-duty.
Dahil dito, ipinagpatuloy pa rin ng mga tauhan ng DPS ang reklamo subalit hindi naman na mahagilap pa si Pat. Faralles para harapin ang kaniyang kaso. —ulat mula kay Felix Laban, DZME News