Hinimok ng isang environmental group ang publiko na maghanda kaugnay sa nagbabadyang epekto ng El Niño phenomenon sa bansa, partikular na ang posibleng kakulangan ng suplay ng tubig.
Ayon kay Ecowaste Coalition National Coordinator Aileen Lucero, kaisa sila sa panawagan ng gobyerno na magtipid ng tubig dahil sa maaaring impact ng El Niño sa water supply, agrikultura, ekonomiya, at maging sa buhay ng mga mahihirap.
Umaapela rin ang grupo na panatilihin ang “Zero Water Waste” at “Right to Water” na tumutukoy sa sapat, ligtas, accessible at abot-kayang presyo ng tubig.
Para naman maibsan ang kakulangan sa suplay ng tubig, ibinahagi ng Ecowaste ang mga tips kaugnay rito gaya ng mga sumusunod:
Pagre-repair ng tubo, tanke, at gripo na may tagas, pag-iipon ng tubig-ulan upang magamit bilang alternatibong panlinis sa bahay, pagsara ng gripo habang nagsisipilyo at naghihilamos ng mukha, pag-steam ng mga gulay sa halip na pagpapakulo, pagdidilig ng mga halaman sa umaga o sa gabi upang maiwasan ang pag-aaksaya sa tubig, at iba pa. —sa panulat ni Airiam Sancho