dzme1530.ph

Publiko, hinikayat na muling ugaliing magsuot ng face mask sa gitna ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19

Sa gitna ng ulat ng Philippine General Hospital na tumaas ng 36 percent ang kaso ng COVID19, muling nanawagan si Senate Committee on Health Chairman Christopher “Bong” Go sa publiko na ugaliin pa ring magsuot ng face mask upang makaiwas sa virus at iba pang karamdaman.

Sinabi ni Go na bagama’t boluntaryo ang pagsusuot ng face mask maliban sa mga healthcare facilities, mas makabubuting magdoble ingat pa rin.

Muling sinabi ni Go na kung hindi naman sagabal, kahit ang may malusog na pangangatawan ay magsuot ng mask upang maiwasang magkasakit lalo’t hindi lang COVID-19 ang dapat iwasan kundi maging ang iba pang nakakahawang respiratory diseases.

Hindi anya ito proteksyon sa sarili kundi para na rin sa mga kasama sa bahay na mga matatanda, may sakit at mga vulnerable.

Maituturing na rin anya itong rehearsal sa mahigit dalawang taong naging disiplinado ang publiko sa pagsuot ng mask.

Muling iginiit ni Go na maaari silang magpatawag ng hearing upang marinig ang mga kinauukulan, lalo na ang Department of Health para busisiin ang mga paghahanda sakaling tumaas pa lalo ang bilang ng mga COVID-19 cases sa bansa.

Mas Mabuti na anyang maging proactive dahil ayaw nating mabigla na naman ang ating healthcare system. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author