dzme1530.ph

Proseso sa pagtalakay sa economic Cha-cha bill, alinsunod sa mga probisyon ng Saligang Batas

Nanindigan si Senate Subcommittee on Constitutional Amendments Chairman Sonny Angara na tama ang proseso nila sa pagtalakay sa economic Cha-cha bill.

Sa proseso ngayon ng subcommittee, inihalintulad ito sa regular na panukala na magkahiwalay na tatalakayin at pagbobotohan ng Senado at Kamara.

Ang kaibahan lamang, kinakailangan ng 3/4 votes ng magkabilang panig para maaprubahan ang Resolution of Both Houses No. 6.

Aminado si Angara na ito ang unang pagkakataon na ipatutupad ang naturang proseso subalit naniniwala silang alinsunod pa rin ito sa konstitusyon.

Ayon kay Angara, sa pamamagitan ng kanilang talakayan ay nagiging transparent sila sa taumbayan at naipapaliwanag ang bawat panig tungkol sa isinusulong na amyenda.

Iginiit din ng mambabatas na nagdesisyon silang unahin pag-amyenda sa tatlong economic provision, partikular sa public services/ utilities, advertising at education, dahil ito ang pinaka praktikal na pag-usapan ngayon.

Aminado si Angara na kapag isinama ang usapan tungkol sa isyu ng land ownership at natural resources patrimony ay maaaring tumagal ang proseso at magiging madugo ang pagtalakay. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author