Sinimulan na ng Department of Justice ang proseso para sa pag-label kay suspended Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. bilang terorista dahil sa umano’y pagkakasangkot nito sa pagpatay kay Gov. Roel Degamo.
Sinabi ni Justice secretary Jesus Crispin Remulla na nagpulong na sila kahapon ng Anti-Terrorism Council para talakayin ang naturang usapin.
Bumuo rin aniya ng Technical Working Group na magrerekomenda para ideklarang terorista si Teves sa susunod na pulong kasama ang ATC.
Ipinaliwanag ni Remulla na sa sandaling aprubahan ng ATC ang rekomendasyon laban sa suspendidong kongresista ay maari na itong arestuhin ng law enforcement agencies ng ibang bansa, basta’t miyembro ito ng United Nations.
Maari rin aniyang i-freeze ng Anti-Money Laundering Council ang mga assets ni Teves.