dzme1530.ph

Problema sa suplay ng karneng baboy sa bansa, kayang tugunan ng local producers —D.A.

Naniniwala ang Department of Agriculture na kayang matugunan ng local producers ang problema sa suplay ng karneng baboy sa bansa.

Ayon kay D.A. Assistant Secretary Kristine Evangelista, dapat siguruhin na mahigpit na nababantayan ang sitwasyon ng suplay ng baboy na siyang magiging basehan ng producers sa kung gaano karami ang dapat nitong ma-produce.

Kung kaya mahalaga aniya ang updated na inventory para sa price at volume watch ng karneng baboy.

Ayon pa sa D.A official, kinakailangang gawing prayoridad ang locally produced na pork products maging ang pagbabantay sa presyo nito gayung hindi lamang suplay ang apektado ng importasyon kundi pati ang presyuhan nito sa merkado.

Matatandaang ngayong linggo lamang nang ihayag ng D.A. na kailangang mag-angkat ng maraming karne ng baboy ang Pilipinas upang matugunan ang kakulangan ng supply sa gitna ng pagkalat ng African Swine Fever (ASF) sa maraming bahagi ng bansa, partikular sa Visayas.

About The Author