Nangangamba si Sen. Risa Hontiveros na posibleng makapagpalala pa sa sitwasyon ang ipinatutupad ng price control sa bigas.
Tanong pa ng senador na kung ito ba ang reseta ng mga ekonomista ng Malacañang o ng spin doctors dahil medyo trabahong tamad anya ang price control.
Kung may mga hoarder anya na gustong bawasan ang suplay ng bigas sa merkado para tumaas ang presyo dapat silang maaresto agad.
Dagdag pang tanong ng mambabatas kung wala pa bang nahanap na ebidensya ang NBI pagkatapos silang atasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bago ang State of the Nation Address.
Pero kahit wala anyang hoarders, tataas pa rin ang presyo ng bigas dahil kulang ang naging ayuda sa mataas na presyo ng fertilizers, hindi inasikaso ng Department of Agriculture na mabigyan ng insurance ang mas maraming magsasaka para sa tanim na binaha, pinigilan ang mga gustong mag-import na pampuno sana sa kakulangan ng lokal na produksyon at sa gitna ng kalamidad, walang bigas na kayang ilabas ang National Food Authority.
Ipinaalala pa ng senadora na una na niyang hiniling sa Senado na repasuhin ang Rice Tariffication Law.
Dahil sa nakaraang taon anya ay inipit ang pag-issue ng permits para sa importasyon ng bigas at hindi nakaipon ng buffer stock ang NFA — kontra sa utos ng batas.
Bukod sa naturang batas, kailangang repasuhin din ang pamamalakad sa DA at NFA. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News